“Mahirap Maging Mahirap sa Bansang Abusado ang Mahirap”
Mahirap. Isa sa pinaka-exploited sa ating lipunan tuwing halalan. Palagi na lamang sila ang ipino-pronta ng mga kandidato tuwing kampanya. Palagi na lamang sila ang ibinibida. Palagi na lamang silang ibinubugaw. Palagi na lamang silang pinapangakuan. Pero hindi naman kaila sa atin na ang mga pangakong iyon ay nanatili na lamang isang pangako, tinangay ng hangin, at naglaho sa kalawakan ng cosmos.
Pero kapag natapos na ang halalan, kapag naiupo na sa trono ang inihalal ng mahihirap, limutan na. Kanya-kanyang mundo na. Ang mga nasa posisyon sa kanilang pagpapakasasa at ang mga dukha na naghalal sa dating buhay sa kahirapan. Parang one night stand lang. Parang nag-hire lang ng prostitute. Kinaumagahan, limutan na, hindi na magkakilala.
Marami sa mga kandidato natin ang nagsasabing tatapusin ang kahirapan, na para sila sa mahirap, na tutulungan nila ang mahihirap, na sila ay kakampi ng mahihirap. Kaya ang ating mga kapatid na dukha, sa paniniwalang sila ay maiaahon sa kahirapan, ay nagpapadala sa mga ganitong pangako ng mga kandidato.
May mga umasenso. Pero mas marami ang hindi. At iyan ang nakakalungkot na katotohanan ng panggagamit sa ating mga kababayang dukha. Mga nagpagamit sa isang nagpapanggap na Messiah na nangakong iaahon sila sa kahirapan.
Kung ang panggagamit sa mga dukha ay may katumbas na salapi o pangkabuhayan showcase, siguro ay mayaman – o kung hindi man ay naka-ahon - na sila ngayon.
Sa mga kandidato, sana naman po ay tigilan na ninyo ang abusadong panggagamit sa ating mga kababayang dukha. Hindi po nakakatulong. Sa paulit-ulit ninyong pangako – at sa paulit-ulit na pagsablay ng inyong pangako – nawawalan na ng tiwala sa inyo ang mga mamamayan.
Sa mga botante, piliin natin ang kandidatong may realistic na solusyon sa kahirapan. Hindi lamang pangako ng Utopia. Hindi lamang iyong mga nagpapadala sa emosyon. At dapat ay yung mayroong long-term na plano. Kalimitan kasi, short-term at ningas cogon lamang ang mga proyekto.
Botante, maging matalino ka! Pilipinas, gumising at bumangon ka. May pag-asa pa. Padayon!
- Juan Republic
No comments:
Post a Comment